Wednesday, March 25, 2009

Tubig Na Maalat

Unti-unting pumapatak ang mga naipong tubig sa kailaliman habang ang duyan ng alapaap ay sumasayaw-sayaw sa kaibuturan ng buong puso ko’t diwa. Marahil iba’t ibang paglalakbay, iisang patutunguhan. “T-o-o-t….” Isang napakalakas na sirena ang aking narinig. Bakas sa bawat mukha ng mga pasahero ang galak habang pinagmasdan ang dalampasigan na para bang nag “bobogie” sa saya habang nagsasabing “Von Voyage!”

Patuloy sa pag-usad ang palutang-lutang na bakal sa karagatan. “Umuulan pala, ang lamig lamig!” Hating gabi na sa isang hating puso. Unti-unti na ring pumapatak ang mga tubig sa aking mga mata habang patuloy ang buhos ng ulan sa kalawakan. Sa kabilang deck ay nakita ko ang isang babae at isang mama na para bang kasing lalim ng karagatan ang pinag-usapan. Dali-dali kong pinahiran ang mga luha sa aking mga mata at muli kong binalik ang aking sarili sa ibabaw ng bakal na patuloy pa ring lumulutang sa tubig na maalat.

“Kaluwasan, Kaligtasan, Kabuluhan.” Iilan lamang sa mga nais ipahiwatig ng babaeng ito habang patuloy niyang kinombinse ang isang mama. Napa lingon ang babae at nagkatagpo ang aming mga tingin. “Bakit ba ang gaan gaan ng pakiramdam ko sa babaeng ito?” Napaisip ako. Binigyan ko siya ng isang matipid na ngiti subalit isang kawili-wiling pakikipagtalastasan na para bang sumasang-ayon ako sa magandang balita na kanyang dala. Sa bandang huli, natuklasan ng babaeng ito na ang mama na kanyang kausap ay isa palang alagad ng Diyos. Hagga’t sa ang kanilang pakikipagtalastasan ay nauwi sa pagkakaunawaan.

Habang patuloy sa pag duyan ang bakal, naramdaman ko ang takot. Bawat pag-hampas ng mga malalaking alon ay may katumbas na pangamba. "Hanggang saan ako dadalhin ng agos ng buhay? Ang buhay bay kasing alat ng tubig sa dagat?” Hindi ko pa rin nararamdaman ang pagkaantok sa mga oras na iyon. Balisa ang aking isipan. Walang kaabog-abog kung kinuha ang kumot na pabaon ng aking lola. Tinakpan ko ang aking mukha ngunit naramdaman ko ang ginaw kaya’t tinakpan ko na lang ang buo kong katawan. B-o-o-m! Nagimbal ang lahat sa isang malaking pagputok na wari ko’y nasa kailaliman ng barko. Napahinto ako. Ang mga bata’y nagsisimula ng mag-iyakan, mga matatandang babae’y nagdasalan habang ang mga lalaki naman ay nagpakita ng katatagan. Nasusunog na pala ang nasa unahang bahagi ng barko. Nagtatakbohan na lahat ng mga tao. Hanggang sa napasigaw ako “tulong! tulong!” Naramdaman ko ang isang dampi at sabay sabing “Hoy bayad nimu, abut na tas Tabunok!” Salamat sa mamang drayber at nagising ako sa aking panaginip!

No comments: